Isayaw mo ako sa saliw ng iyong tugtugin
at tayo'y lilipad sa kawalan, nang walang pagaalinlangan.
Pitumpu't pitong dilim ang aking binilang
bago masilayan ang ningning ng iyong katauhan.
Ang pusyaw na nakalipas na dating sumasaklaw
sa katauhang puno ng pananabik at pag-asam,
ngayo'y batid na ang galak na di' matawaran.
Sa pagsuyong ating pinagdaanan,
kailanma'y di' inasahan na ganito ang kahihinatnan.
Tulad ng pagbigkis ng sinag ng araw sa paraisong luntian,
kasabay ng pagsaklaw ng alapaap sa malawak na kalangitan,
walang pag-alinlangan mong sakupin ang aking kabuuan.
Hirangin mo ako bilang iyo, simula ngayon at magpakailan man.
Unti-unti, ako'y iyong isayaw sa saliw ng iyong tugtugin
at walang pag-aalinlangan, tayo'y lilipad sa kawalan.
Sa kawalang kapwa natin hindi pa narating.
Sa kawalang sakop ang buo nating pagkatao.
Sa kawalang tayong dalawa ay magiging isa.
At sa kawalan, tayo ay patuloy na lilipad nang walang pag-aalinlangan,
habang sumasayaw sa saliw ng iyong tugtugin.
Sa ilang sandali pa ay maabot na natin ang sukdulan,
mananatiling hibang sa damdaming kapwa natin inuusal.
No comments:
Post a Comment